Ang manunulat ay lapis na hinahasa ng gabi (a short story)

* As published in the literary folio 'Kuwaderno 12' of 'White & Blue', the official student publication of Saint Louis University - Baguio City.

Alas tres ng umaga.

Sa isang madilim at masikip na silid, nakapiring at nakatali ang manunulat.
Pumasok ang mga salarin. Inalis ang piring. Hinigpitan ang mga tali.
Isang ngisi ang binigay. Isang punyal ang kumislap.

At hinugot ng mga halimaw ang mga mata ng manunulat –
mga matang pinili pang mawarak kaysa pikitan ang realidad.

Wala na ang mga matang mulat at pagod,  kung saan unang nagningning ang butil ng pag-asang diniligan ng mga luhang  dumaloy para sa mga api at aba.

Ngunit kahit na itinapon na ang laman, matiim pa rin na nakatutok ang mga duguang butas sa may sala.

Sunod na pinutol ng mga halimaw ang dila ng manunulat –
dilang nagpahayag ng mga umaapoy na rebelasyong pumaso sa mga naghahari-harian.

Wala na rin ang dilang sintalas ng espada kung mga kalaban ang pinupuntirya, ngunit matamis na musika ang dala para sa mga pamilyang nauuhaw sa hustisya.

Ngunit kahit lumisan na ang tagapagtugtog ng plauta, patuloy pa ring umaalingawngaw ang katotohanang pinarinig niya.

At kahit naiinis, nakangisi pa rin ang mga hayop.

 Inilabas ng mga halimaw ang sibak, at itinaga sa mga paa at kamay ng manunulat.

Inihiwalay ang mga daliring umukit sa mga titik na nagbigay-laya sa mga damdaming nangangarap makalipad. Tinadtad ang mga paang matapang na tumahak sa mga daang kinatatakutang tapakan ng mga ordinaryong mamayan. Mga kamay at paang puhunan sa hanapbuhay na salat man sa kusing ay tigib naman sa dedikasyon at dangal.

Ngunit kahit bulag, pipi at baldado na ang manunulat, ang puso niya ay magiting pa ring tumitibok.

Sa huling pagkakataon, tinudla ng mga halimaw ang puso ng manunulat at pinalamon sa apoy ang gutay-gutay na nitong katawan.

At sila ay nagbunyi …
dahil sila ay mga hangal.

Bukang-liwayway.

Hindi na nila napansin ang pagtangay ng hangin sa  maingat niyang pinulot at kinalong na mga abo.

Labels: